Home OPINION P3/L OIL PRICE HIKE BAKWIT SA GIYERA

P3/L OIL PRICE HIKE BAKWIT SA GIYERA

HABANG tinitipa natin ito, mga Bro, walang nakaaawat sa naggigiyerang Iran at Israel.

Hindi nakikinig ang dalawa sa panawagan mismo ng United Nations na tumigil na o magkaroon ng tigil-putukan ang dalawang bansa.

May mga grupo ng mga bansa namang sa halip na patigilin sa giyera ang Israel at Iran, sila mismo ang mga sulsol at nagbibigay ng suporta-militar sa kapanalig nila sa dalawa.

Halimbawa, aktibo ang United States, United Kingdom at ilang taga-European Union sa pagkampi at pagtulong sa Israel.

Ang China, nagdala na rin umano ng mga armas para sa Iran habang nagbabalak ang North Korea at Russia na gawin din ito.

Ang US at Israel, pinababalik sa pwesto ang rehimeng Pahlavi na hawak nila noon ngunit pinatalsik ng Islamic revolution.

Gusto naman ng Russia, China at North Korea na manatili ang Islamic government sa ilalim ni Iran Supreme Leader Ali Khameini.

Patungo na lahat sa World War 3 para sa iba.

PWERSAHANG PAGBABAKWIT

Para sa Pilipinas, nasa antas pa lang ng Alert Level 3 ang patakaran at wala pang sapilitang pagbabakwit o Alert Level 4.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, sinomang gustong maibakwit, gagawa at gagawa ang pamahalaan natin para mailabas ito sa Israel gaya ng mahigit 100 ngayon.

Pero ang China, Pakistan, India, US, UK at iba pa, pwersahan na nilang pinauuwi ang kanilang mga mamamayan para hindi madamay.

Sinasabing napakahirap kumbinsihin ang mga Pinoy sa Israel na maibakwit dahil bantulot ang mga ito na bumalik sa bansa at mas gustong manatili sila roon dahil higit silang nabubuhay roon, at mga pamilya nila sa Pilipinas, kaysa umuwi sila.

Sinasabi ng pamahalaan na bibigyan ang mga uuwi ng apat na buwang sahod katumbas ng sahod nila sa Israel bilang panimula nila sa buhay pero hindi kinakagat ito ng nakararami.

Huhupa rin umano ang digmaan at tuloy-tuloy ang trabaho nila roon at ang remittance para sa kanilang mga pamilya rito.

Hindi nila inaalintana ang panganib sa kanilang buhay at katawan sa gitna ng napakabangis na bombahan ng Iran sa Israel.

P3 DAGDAG-PRESYO SA PETROLYO

May mga palatandaan na umanong isasara ng Iran ang Strait of Hormuz at ng Yemen ang Red Sea na daluyan ng malalaking bulto ng langis para sa mundo.

Sa Red Sea, nasa 12% ng suplay ng langis ang dumaraan habang sa Strait of Hormuz, nasa 20%.

Kapag nangyari ito, maaaring aabot umano sa $300 kada bariles ang presyo ng langis kumpara sa ngayon na mababa sa $100.

Ibig sabihin nito, mga Bro, kung noong nakaraang linggo ay umabot sa P1.50-P2.80 kada lito ang taas-presyo, sa susunod na linggo, maaaring aabot umano sa P3 kada litro ang dagdag at lalala ito kapag isinara ang Red Sea at Strait of Hormuz.

Dapat na kumilos nang todo ang gobyerno para sa proteksyon ng mga Pinoy sa Israel at Iran at para sa atin kaugnay ng problemang langis na ikahihirap nating lahat dahil magbubunga ito ng pagmamahal ng presyo ng mga bilihin.