Home OPINION KAPAG SANDATA AY ‘KAPIT’, HINDI SERBISYO HANGAD

KAPAG SANDATA AY ‘KAPIT’, HINDI SERBISYO HANGAD

258
0

UNTI-UNTI nang lumilitaw sa malinaw na mata ng taumbayan ang isang matagal nang bulok na katotohanan sa loob ng Philippine National Police at National Police Commission na hindi lahat ng nakaupo ay naroon para maglingkod.

Marami sa kanila ay naroon para maghari. Kaya’t salamat at sa pamumuno ni PNP Acting chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr ay tama lamang na sa wakas may mga opisyal nang pinapalitan at sila ay iyong mga napatunayang palpak, abusado, at ginawang personal na kaharian ang kanilang pwesto.

Hindi sikreto ang “power tripping.” Hindi ito haka-haka. Ito’y karanasan ng mga ordinaryong pulis, ng mga sibilyan, ng mga negosyante, at ng mga karaniwang mamamayan na nakabangga ng isip-hari sa uniporme. May mga opisyal na ginawang panakot ang ranggo, ginawang negosyo ang kapangyarihan, at ginawang personal na proyekto ang batas.

Kaya positibo sana ang mensahe ng pagpapalit sa ilang opisyal. Ibig sabihin, may nakikita na ring mali sa itaas. Ibig sabihin, may gumagalaw. Ngunit hindi pa sapat.

Dahil habang may pinapalitan, may mga nananatili pa rin. At mas masahol, may mga hindi man lang magalaw dahil may mas “malakas” na sandalan—relihiyon.

Paano magtitiwala ang taumbayan sa isang institusyon kung may mga opisyal na nananatili sa puwesto hindi dahil sa husay kundi dahil sa basbas ng kanilang samahang panrelihiyon? Paano ito naging pamantayan ng kwalipikasyon—ang tawag ng pastor, ang sulat ng simbahan, o ang pakiusap ng organisasyon?

Mas nakakabahala pa ang mga opisyal na lantaran umanong ipinagmamalaki na sila ay “malapit” raw mismo sa Pangulong Marcos. Na parang sapat na proteksyon na ang pangalan ng Pangulo laban sa anomang reklamo, imbestigasyon, o pananagutan. Hindi ito serbisyo publiko—ito ay sindikato ng kapangyarihan.

Ang masakit na katotohanan: habang may mga opisyal na nasisibak, may mas malalakas na nananatili—dahil sa kapit ng relihiyon at pulitika.

Kung seryoso ang gobyerno sa paglilinis ng hanay, walang dapat untouchable. Walang dapat immune. Walang dapat protektado ng relihiyon, pulitika, o pangalan ng Pangulo.

Ang uniporme ay simbolo ng serbisyo, hindi kalasag ng pang-aabuso.

At hangga’t pinipili kung sino lang ang gagalawin, mananatiling bulok ang sistemang dapat sana’y tagapagtanggol ng mamamayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here