
HINDI lang naman tuwing State of the Nation Address ng Pangulo ng Pilipinas ginagawa ang matinding pagpaplano ng mga miyembro ng Philippine National Police lalo na ang National Capital Region Police Office para sa pangangalaga ng kaayusan at katahimikan sa Batasang Pambansa Complex at sa paligid nito, ayon kay PMGen Jose Melencio Nartatez Jr.
Sinabi ng hepe ng NCRPO, araw-araw ay nagtatrabaho ang mga pulis para magserbisyo at protektahan ang mga mamamayan ng buong puso at may dangal.
Madalas ay naka-full alert status lalo na ang NCRPO anoman ang okasyon tulad ng Pasko, Bagong Taon, Mahal na Araw, at Undas sapagkat napakarami nga naman nitong nasasakupang tanggapan o ahensya ng pamahalaan, tanggapan ng mga opisyal mula sa ibang bansa, malalaking korporasyon, kilalang mga simbahan, bahagi ng transportasyon tulad ng terminal ng bus, paliparan, daungan, malls at iba pa.
Ayon kay Nartatez, hindi pwedeng pabayaan na lang ng mga pulis ang kanilang tungkulin sa mga mamamayan sapagkat ito ang kanilang mandato- to serve and protect.
Pero hindi maiiwasan na may mangilan-ngilang pulis na gumagawa ng hindi maganda sa mamamayan kaya naman nasisira ang imahe ng pulisya subalit nakararami pa rin ang mabubuting alagad ng batas. Lagi pa rin, ani Tateng, tawag kay Nartatez, nananaig ang kabutihan sapagkat inaalis na kaagad ng kanyang tanggapan ang “mga kalawang na kumakapit sa bakal”.
Kaya nga umabot na sa mahigit 500 ang mga nasibak na pulis ng NCRPO mula nang siya ay maging regional director ng NCRPO may isang taon na ang nakararaan.
Ngayong 3rd SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. naka-full alert status ang NCRPO kahapon pa at may kabuuang 23,000 police personnel ang nakadeploy na kung saan 8,000 pulis ang itinalaga sa Commonwealth Avenue at IBP Road at ilang mga lugar pa. Inilaan ang Commonwealth Avenue sa harap ng Sandiganbayan para sa mga raliyista na panig sa pamahalaan habang ang Tandang Sora Avenue/Commonwealth Avenue ay inilaan naman para sa mga anti-government rallyist.
Mahigpit ang bilin ng top cop ng NCRPO sa kanyang mga tauhan na ipatupad ang maximum tolerance sa mga grupo o mga raliyista na mamimikon upang magsimula ang gulo.
Sana nga ay hayaan ng mga pulis ang mga tao na mailabas ang kanilang saloobin at makarating sa kaalaman ng Pangulong Marcos. At sana lang, wala silang likhain na gulo upang walang maperwisyo.
Nawa’y maging matagumpay ang layon ng NCRPO na magawa ang kanilang trabaho o responsibilidad sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan ngayong araw ng SONA. Nawa’y maging katulad noong nakaraang taon na naging mapayapa ang pagbabalita ni Pangulong Bongbong sa kanyang mga programa at plano sa panunungkulan sa bansa.
Pero syempre, iyan ay dahil sa pagpaplano at matiyagang pagtimon ni Nartatez sa NCRPO na binubuo naman ng kanyang nasasakupan sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan at ng limang police districts- Manila Police, Southern Police, Northern Police, Eastern Police at Quezon City Police.