
ISA ang lungsod ng Baguio sa dinadagsa, hindi lang ng mga dayuhan kundi maging mga lokal na turista, dahil sa malamig na klima at napakaraming magagandang lugar na mabibisita lalo na sa panahon ng tag-init at Kapaskuhan.
Kabilang nga sa mga pangunahing lugar na dinarayo ng mga lokal at banyagang turista ang bantog na Burnham Park, Camp John Hay, Mines View Park, Wright Park, Baguio Cathedral, Strawberry Farm, Baguio Museum, The Mansion at napakarami pang iba kaya kulang ang tatlong araw na bakasyon ng mga turista sa malamig na lungsod.
Siyempre, hindi lang ang pamamasyal at pagtanaw sa mga magagandang lugar sa Baguio City ang nais maranasan ng mga turista kundi ang matuklasan ang iba’t-ibang uri ng kasaysayan, lalo na ng nakaraang mga naging Pangulo ng bansa na makikita sa New Baguio Museum.
Pero isa sa pinag-uusapan pala ngayon ay ang nalalapit na pagbubukas sa publiko ng bantog na The Mansion na opisyal na tirahan ng Pangulo ng Pilipinas sa Baguio City na naitayo noon pang taong 1908 upang maging tirahan sa tuwing panahon ng tag-araw ng Governor-General ng Estados Unidos.
Sa ngayon kasi, hanggang tanaw lang sa magarang mansion ang mga nagtutungo sa Baguio City pero sa inilabas na pahayag ni First Lady Liza Araneta Marcos, tiniyak niya na magiging sentro nang puntahan ng bawat pamilyang Pilipino, estudyante at kabataan ang The Mansion na matatagpuan sa Romulo Drive, sa kabila lang ng Wright Park.
Bubuksan na kasi sa publiko ang Malacañang Heritage Museum na magtatampok sa mga ginawa ng mga naupong Pangulo ng Pilipinas simula pa noon hanggang sa panahon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sabi ng Unang Ginang, bukod sa galerya ay itatampok din ang kasaysayan ng bansa at artifacts na pwedeng bilhin bilang souvenir ng mga turistang dayuhan.
Ang Presidential Museum sa Baguio Mansion House, sabi pa ng Unang Ginang, ay inihalintulad sa matagumpay na Teus Museum sa Malacanang Palace sa Maynila na hanggang ngayon ay kabilang sa mga dinadayo ng mga bibisita sa Palasyo.
Tulad aniya ng Teus Museum, ang Presidential Museum sa Baguio ay may isang katerbang koleksyon ng hindi matatawarang halaga ng mga memorabilia, kabilang na ang mga isinuot ng mga nagdaang Pangulo ng bansa, pati na ng kanilang sapatos, mga bandila at mga inukit na rebultong kawangis ng mga naging pangulo.