SANTA MARIA, Bulacan- Kasalukuyang nagpapagaling ang barangay chairman ng Barangay Mag-asawang Sapa ng Santa Maria, Bulacan matapos maging target ng pamamaril ng riding-in tandem nitong Biyernes ng gabi.
Batay sa CCTV footage na ibinahagi ng barangay, nakaupo ang biktimang si Kapitan Juan Rosillas kasama ang barangay administrator na si Jun Del Rosario sa labas ng barracks ng mga tanod nang biglang dumaan ang isang motorsiklong mabagal ang takbo papunta sa kanilang direksyon saka pinagbabaril si Rosillas. Agad na pumasok ang kapitan sa barracks, habang agad na tumakas ang mga salarin.
“Naglalaro kami ng cellphone habang naghihintay kami. Biglang may dumating na motor, gumilid sa amin at pinaputukan si kapitan,” paglalahad ni Del Rosario.
Hindi matukoy ang magka-angkas dahil sa nakasuot ang mga ito ng bonnet.
Isinugod sa ospital ang kapitang nagtamo ng tama ng bala sa tiyan at sa hita. Ayon sa ulat, walang kilalang kaaway ng barangay kapitan, na kauupo lamang sa pwesto noong nakaraang taon.
Gumugulong ang imbestigasyon ng Santa Maria Police ukol sa insidente at inaalam pa ang motibo ng krimen, base kay Police Lt. Col. Voltaire Rivera, hepe ng Santa Maria police.
“In stable condition na si Kap,” pahayag pa niya.
Narekober sa crime scena ang ang tatlong bala ng caliber .45 na baril. RNT/SA