MANILA, Philippines – Isang kapitan ng barangay ang pinagbabaril at napatay ng riding-in-tandem sa Barangay Calipahan sa Talavera, Nueva Ecija nitong Linggo ng umaga, Hunyo 8, ayon sa Police Regional Office 3 (PRO 3).
Batay sa ulat ng pulisya, sakay sa motorsiklo ang 49-anyos na si Joel Damacio at ang kanyang barangay tanod na bumabagtas sa northbound lane ng Maharlika Highway.
Nilapitan ng salarin at binaril ang biktima nang ilang beses, gamit ang isang kalibre 9.mm pistol, alas-8:55 ng umaga.
Matapos ang insidente ng pamamaril, tumakas ang salarin na lulan ng puti at asul na motorsiklo patungo sa Barangay Campos.
Isang flash alarm ang inilabas sa mga kinauukulang yunit ng pulisya.
Sinabi ni PRO 3 chief Police Brigadier General Jean Fajardo, natukoy ng mga awtoridad ang isang person of interest sa pagpatay as kapitan ng barangay.
Nagpapatuloy ang pursuit operation, ani Fajardo.
Sa isang pahayag, kinondena ng pamahalaang munisipyo ng Talavera ang pagpatay kay Damacio at nanawagan ng agarang pagresolba sa kaso. Marina G. Bernardino