PAMPANGA, Philippines – Isinampa na ang unang kasong kriminal laban sa mga may-ari at kontratista ng gumuhong siyam na palapag na gusali sa Barangay Balibago, Angeles City, kahit na nag-alok ang kampo ng may-ari ng out-of-court settlement sa mga pamilya ng mga biktima.
Kabilang sa mga inirereklamo sina Ernest Jackson Lim, may-ari ng gusali; Johnson Cu, may-ari at kontratista ng Golden Years Construction and Steelworks; Engr. Arlou Nondong Ligsanan o Engr. Arlo Managsil, ang site engineer; at ilang hindi pa natutukoy na indibidwal.
Ayon kay Atty. Darwin Reyes, tagapagsalita sa legal na usapin ng imbestigasyon, naghain si Maricel Sapungay ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide kaugnay ng pagkamatay ng kanyang 19-anyos na kamag-anak na si Mark Lawrence Sapungay.
Si Mark Lawrence Sapungay ang ikalawang biktimang narekober mula sa mga guho. Natagpuan siyang buhay ngunit kalaunan ay nasawi habang sinusubukang iligtas ng mga rescuer.
Sinabi ni Reyes na inaasahang may iba pang mga pamilya ng biktima na magsasampa rin ng reklamo sa mga susunod na araw.
Samantala, sinabi ng abogado ng may-ari ng gusali na handa silang makipagkasundo sa mga pamilya ng biktima at pag-usapan ang mga danyos upang maiwasan ang mahabang proseso sa korte.
Humiling din ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa piskalya ng Angeles City na maghain ng Precautionary Hold Departure Order (PHDO) laban sa mga pangunahing inirereklamo upang hindi sila makaalis ng bansa habang isinasagawa ang imbestigasyon. Hiniling din nila ang paglalabas ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa mga ito habang nakabinbin pa ang kaso. RNT/MND