PAMPANGA, Philippines – Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa pagguho ng isang siyam na palapag na gusaling ginagawa pa lamang sa Barangay Balibago, Angeles City matapos makarekober ang mga rescuer ng isa pang bangkay nitong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa Unified Command, ang ika-23 biktima ay narekober bandang 9:12 a.m. habang nagpapatuloy ang search, rescue, at retrieval operations sa lugar.
Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng pinakabagong biktima habang hinihintay pa ang beripikasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Ilang oras bago nito, may isa pang biktimang narekober bandang 7:21 a.m., matapos matagpuan ng mga responder sa ilalim ng mga guho bandang 4:04 a.m.
Matatandaang gumuho ang under-construction na gusali bago magmadaling-araw noong Mayo 24, na nagdulot ng pagkakakulong ng mga construction worker at iba pang tao sa loob at paligid ng istruktura.
Patuloy pa rin ang operasyon ng mga rescuer upang hanapin ang iba pang posibleng biktima sa lugar. RNT/MND