MANILA, Philippines — Umabot na sa 4,048 ang kaso ng dengue sa Maynila mula Enero 1 hanggang Oktubre 19, 2026, matapos makapagtala ng 31 bagong kaso, ayon sa pinakahuling daily disease report ng lungsod.
Ayon sa Manila Health Department (MHD), kabilang pa rin ang dengue sa mga sakit na binabantayan sa ilalim ng W.I.L.D. disease surveillance.
Nagpakilos na ang lungsod ng sanitation at vector-control personnel, surveillance officers at barangay health workers para sa mga hakbang kontra dengue sa Districts 4 at 6. Kabilang dito ang pag-aalis ng mga posibleng pamugaran ng lamok, targeted chemical misting sa ilang pampublikong paaralan at barangay, at pagpapalakas ng information campaign.
Hinimok ng MHD ang mga residente na regular na suriin ang kanilang mga tahanan at paligid upang alisin ang mga lalagyang maaaring pamugaran ng lamok.
Pinaalalahanan din ng Department of Health (DOH) ang publiko na sundin ang 4S strategy laban sa dengue: Search and destroy ng pinamumugaran ng lamok, Secure self-protection, Seek early consultation, at Support fogging/spraying sa mga hotspot area.
Kabilang sa mga sintomas ng dengue ang biglaang mataas na lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit sa likod ng mata, pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan, panghihina at pantal. Kabilang naman sa mga babalang sintomas ang matinding pananakit ng tiyan, tuloy-tuloy na pagsusuka, pagdurugo at hirap sa paghinga, na nangangailangan ng agarang atensyong medikal.
Bukod sa dengue, nakapagtala rin ang Maynila ng 28 bagong kaso ng influenza-like illness, na may kabuuang 2,508; isang bagong kaso ng leptospirosis, na may kabuuang 525; apat na bagong kaso ng cholera; at dalawang kaso ng severe acute respiratory infection.
Wala namang bagong kaso ng typhoid at COVID-19 na naitala noong Oktubre 19. Jocelyn Tabangcura-Domenden