Home NATIONWIDE Kaso ng election-related violence sa Cotabato City, Maguindanao del Sur tumaas –...

Kaso ng election-related violence sa Cotabato City, Maguindanao del Sur tumaas – Comelec

MANILA, Philippines- Nababahala ngayon ang Commission on Elections (Comelec) sa pagtaas ng election-related violence sa ilang lugar sa Mindanao dahil sa ilang mga kandidato at mga bata na nadadamay sa karahasan.

Dahil dito, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garrcia sa Kapihan sa Manila bay forum na humiling na sila ng pagpupulong sa Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Garcia, partikular na naiulat ang mga karahasan sa Cotabato City at Maguindanao del Sur na aniya ay medyo kritikal.

Sinabi ni Garcia na maaaring hindi ito naibabalita ng national media at sa probinsya lamang pero aniya ay may mga barangay officials, mga kandidato at mga bata na naisasakripisyo dahil sa karahasan na maituturing na election-related violence.

Isa sa pinakahuling insidente ang pananambang kay Omar Samama, isang reelectionist para sa pagka-bise alkalde ng Datu Piang, Maguindanao.

Ayon kay Garcia, nagsumite na ang PNP ng ulat inisyal na imbestigasyon, kung saan humigit-kumulang 10 suspek ang natukoy.

Binanggit din ni Garcia na inambush din sa Zamboanga City ang provincial election supervisor ng Comelec sa Sulu na maswerteng nakaligtas ngunit hindi ang kanyang kapatid.

Sa ngayon, wala pang kabuuang datos ang Comelec kung ilan na ang naitalang election-related violence sa sakop ng Bangsamoro Autonomous region in Muslim MIndanao o BARMM.

Asahan naman aniya na habang papalapit ang halalan ay madaragdagan pa ang bilang ng karahasan na may kaugnayan sa halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden