MANILA, Philippines – Isang bagong testigo sa kaso ng missing sabungeros ang nakuha ng mga imbestigador, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Martes, Hulyo 29, 2025.
“Mayroon kaming bagong testigo na lalabas. It bolsters the credibility of Totoy (whistleblower Julie Patidongan). May naging problema dati ang investigators to identify somebody, iyong somebody na ina-identify ito iyon,” saad ni Remulla.
“Hindi lang ito testimonial evidence, mayroon ditong totoong ebidensiya na bukod sa kwento, mayroon itong sariling ebidensiya na kasama. Medyo bago, hindi pa lumalabas sa media… sibilyan.” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Remulla na hiniling niya kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III na palayain ang isa sa mga commander na nakikibahagi sa imbestigasyon.
Tumanggi si Remulla na pangalanan ang opisyal ng pulisya ngunit sinabi niyang hindi siya komportable sa inasal ng opisyal sa takbo ng imbestigasyon.
“Abangan lang kasi nga nilalapat pa namin lahat. Kaya nga sinabi ko noon na makikiusap ako kay General Torre na i-relieve iyong isang service commander at nangyari naman kaya ngayon malinaw na ang aming landas patungo sa paglutas ng problemang ito.”
“Parang hindi angkop ang kaniyang kilos sa magandang pagresolve ng kaso. Ayaw ko kasi nag-aalangan ako, ito kasi very important witness ito.”
Samantala, sinabi ni Remulla na ang retrieval operations sa Taal Lake ay nagpatuloy isang linggo matapos masuspinde ang paghahanap dahil sa masamang panahon. RNT/MND