Home HOME BANNER STORY Kaso ng mpox sa QC, 4 na!

Kaso ng mpox sa QC, 4 na!

MANILA, Philippines – Sinabi ng Quezon City government na apat na ang naitalang kaso ng mpox sa naturang lungsod.

Sa ginanap na QC Journalists Forum, sinabi ni Sarah Conclara ng MPOX Surveillance Unit ng QC Health Department, ang pang-apat na kaso ng mpox na isang lalaki ay naka-isolate sa ngayon sa kanyang bahay.

Nabatid pa sa QC government na ang tatlong pasyente ng mpox ay magaling na.

Kaugnay nito, nabatid naman kay Atty. Leo Albert Lazo, hepe ng Enforcement and Adjudication Division ng Business Permit and Licensing Department ng QC na sa ginawang paggalugad sa 385 spa establishment sa QC, napatunayan na 282 dito ay walang sanitary permit kaya’t inirekomenda sa QC health department na maipasara ang mga ito.

Samantala sinabi naman ni Councilor Bernard Herrera, Committee Chair on Health and Sanitation na may umiiral na batas na ang lokal na pamahalaan para magbigay ng training at kaalaman sa mga health workers kung paano ang pangangasiwa sa mga kaso ng mpox.

Gumagawa na rin aniya ng hakbang ang Konseho na paigtingin ang batas upang maparusahan ang mga fan establishment na hindi kumukuha ng kaukulang permit at hindi nakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan para maibsan at mapigilan ang pagdami ng kaso ng mpox.

Ayon sa mga nabanggit, katulong nila ngayon ang mga barangay health official sa kampanya kontra mpox upang maiwasan pa ang pagdami ng kaso. Santi Celario