MANILA, Philippines- Tiniyak ni National Police Commission (NAPOLCOM) commissioner Atty. Rafael Vicente Calinisan nitong Sabado na mahigpit nilang babantayan ang kaso ng isang pulis Quezon City na nakapatay ng driver at nasugatan ang kasama nito sa isang road rage incident sa Quezon City Huwebes ng gabi.
Ito ay matapos magsampa ng kaso ang pamilya ng mga biktima laban sa suspek na si EM/Sgt. Randy Tuzon, 48, na nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Batasan police station 6, sa harap ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) ng Quezon City.
“We do not condone any form of abuse, especially from our policemen who have sword to serve and protect the people. We will monitor the developments of this latest case very closely. The family of the victims can get contact with me and my office directly,” sinabi ni Calinisan.
Inihayag pa ni Calinisan na dahil sa prinsipyo ng jurisdiction ang PLEB ang siyang may hurisdiksyon ng kaso “dahil may reklamo na sa kanila, unless ang biktima ay mag-withdraw sa naturang kaso at isampa ito sa NAPOLCOM. Nirerespeto naming ang desisyon ng pamilya ng biktima na dalhin ang usapins a PLEB.”
Sa kabilang banda, nasa kustodiya na ng pulisya si Tuzon gaya ng sinabi ng mga opisyal ng QCPD, sumuko siya kaagad pagkatapos ng insidente.
Nabatid sa ulat na nangyari ang insidente ng pamamaril sa kahabaan ng Tandang Sora Avenue sa Barangay Old Balara bandang alas-6:30 ng gabi nitong Huwebes.
Sinabi ng mga imbestigador na minamaneho ni Tuzon ang kanyang sasakyan nang magkaroon siya ng alitan sa trapiko sa isang driver ng isang L300 van.
Hinarang ng pulis ang van, bumaba sa kanyang sasakyan at sinuntok ang driver ng van na si Ronnie Borromeo, 42, bago siya pinagbabaril ng ilang beses gamit ang baril.
Bumalik si Tuzon sa kanyang sasakyan at umalis sa pinangyarihan. Narekober sa pinangyarihan ang pitong basyo ng bala at isang pinaputok na bala.
Isinugod sa ospital si Borromeo kung saan idineklara itong dead on arrival.
Dinala sa ibang ospital ang kasama niyang kilala lang bilang Reynaldo para gamutin ang tama ng bala sa kaliwang balakang at hita.
“Bagaman ito ay may kinalaman sa isang miyembro ng puwersa ng pulisya, hindi kinukunsinti ng QCPD ang isang mali at sinisigurado na ang pulis ay haharap sa isang patas at makatarungang proseso ng batas,” sabi ng pahayag ng QCPD.
Samantala, sinabi ni Calinisan na naniniwala siya na ang PLEB QC ay isang independyente at karampatang disciplinary authority. Santi Celario