Home NATIONWIDE Professionals na gagawing licensed teachers, ikinasa ni Gatchalian sa Senado

Professionals na gagawing licensed teachers, ikinasa ni Gatchalian sa Senado

MANILA, Philippines- Pinag-aaralan ni Senador Win Gatchalian ang posibilidad na pwedeng maging licensed teachers ang mga propesyonal mula sa iba’t ibang larangan upang makakatulong sa pag-aangat ng kalidad ng edukasyon sa senior high school.

Binanggit ni Gatchalian ang posibilidad sa isang pagdinig hinggil sa Senate Bill No. 2840 na may layunin na amyendahan ang Philippine Teachers Professionalization Act of 1994 (Republic Act No. 4784) at magbigay ng mga alternatibong pamamaraan na maging rehistradong professional teacher.

Sa ilalim ng panukalang batas, maaaring kumuha ng licensure exam ang isang aplikante at ipasa ito o kaya naman ay magsumite ng portfolio na nagpapakitang nakamit nito ang professional teaching standards.

“Nagbabago na ang mundo at importante ang specialization sa pagbabagong ito. Halimbawa, kung may tech-voc ang ating curriculum, kailangang may mga guro na eksperto dito o kayang magturo nito,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education

Ibinahagi niya ang karanasan ng isang technical college sa Valenzuela na nais mag-alok ng mga kurso sa graphic design at iba pang computer courses.

Gayunman, nananatiling hamon ang paghahanap ng mga gurong eksperto dito para maituro ang mga kaugnay na kurso, sabi pa ni Gatchalian.

“Kahit na may mga graphic designers na gustong magturo sa senior high school, wala silang paraan para gawin ito. Kaya kailangang itugma natin ang ating mga batas at polisiya sa ating mga layunin at sa ngayon, ang layunin natin ay patatagin ang senior high school,” dagdag na pahayag ni Gatchalian. Ernie Reyes