MANILA, Philippines- Hindi binanggit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Senador Imee Marcos kanyang speech sa ginanap na campaign sortie ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Trece Martires City, Cavite nitong Sabado.
Natuklasan din sa naturang campaign sortie na hindi dumalo si Las Pinas Rep. Camille Villar, anak ni Senador Cynthia Villar na mahigpit na sumusuporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte tulad ni Imee.
Ngunit, tanging si Imee lamang ang hindi binanggit sa speech sa ginawang pag-endorso ng chief executive sa kandidato ng administrasyon.
Sinabi ni Imee na kanyang tinutukan ngayon ang pag-iimbestiga sa sinasabi nitong ilegal na pag-aresto kay Duterte na nakakulong ngayon sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
“Ok lang, tutal sinabi ko na na ang aking tututukan ay ang pagsisiyasat ng mga pangyayaring labag sa batas noong kinuha si FPRRD (Duterte),” ayon kay Imee sa panayam,
Pangalawang beses hindi dumalo si Imee sa campaign sortie ng administrasyon na pinakahuli ang pagtungo ng Alyansa sa Tacloban City, Leyte,
Naunang sinabi ni Imee na hindi siya dumalo sa Tacloban sortie dahil hindi nito matanggap ang ginawa ng administrasyon ni BBM sa pagsuko kay Duterte sa ICC.
Sa Tacloban, kahit hindi dumalo si Imee, binanggit pa rin siya ni PBBM sa speech taliwas ngayon sa Cavite na walang pagkilala sa kanya.
Umaabot sa mahigit 2.4 milyon ang registered voters sa Cavite.
“Cavite has always been a decisive force in national elections, and Alyansa is coming in strong with a lineup that understands the pulse of the people,” ayon kay campaign manager Navotas City Rep. Toby Tiangco.
“We have leaders who have proven their ability to deliver results, and we are confident that Caviteños will rally behind us,” dagdag niya. Ernie Reyes