MANILA, Philippines – Tumaas ng 10% ang kaso ng tigdas sa Hilagang Mindanao, mula 371 noong 2024 hanggang 412 noong 2025, ayon sa Department of Health (DOH-10).
Ang pagtaas ay kaugnay ng mababang turnout sa bakuna.
Ayon kay Dr. Sulpicio Henry Legaspi, DOH-10 Director, halos 50% ng mga batang nagkasakit ay hindi nabakunahan. Karaniwang komplikasyon ang pulmonya na maaaring ikamatay.
Upang mapigilan ang pagtaas, ilulunsad ng DOH-10 ang Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity mula Enero 19 hanggang Pebrero 12, 2026, na target ang halos 500,000 bata mula 6 hanggang 59 buwan.
Bibigyan din ng dagdag na bakuna ang mga batang dati nang nabakunahan para sa mas protektadong kalusugan.
Sa Davao Region, bumaba ang coverage sa bakuna mula 61% noong 2024 hanggang 51% noong 2025. Layunin ng DOH-11 na mabakunahan ang 513,000 bata.
Binibigyang-diin ng mga opisyal ang kahalagahan ng kumpletong bakuna upang makamit ang herd immunity. Available ang bakuna sa mga health centers, malls, at terminal sa buong rehiyon.
Ang tigdas at rubella ay nakakahawang sakit na nagdudulot ng lagnat, ubo, sipon, at rashes sa mga bata.
Hinihikayat ng mga awtoridad ang mga magulang na tiyakin na nabakunahan ang kanilang mga anak. RNT