Home NATIONWIDE Kaso vs 2 Pinoy sa Japan na nag-abandona sa bangkay ng amo...

Kaso vs 2 Pinoy sa Japan na nag-abandona sa bangkay ng amo ilalabas sa Marso 23

MANILA, Philippines – Inaasahang lalabas sa Marso 23 ang mga kaso laban sa dalawang Pinoy na inaresto sa Japan dahil sa umano’y pag-abandona sa bangkay ng mag-asawa sa Tokyo.

Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na mananatili sa detensyon ng pulisya si Bryan Jefferson Lising dela Cruz, 34, at Hazel Ann Baguisa Morales, 30, na muling naaresto noong Marso 1, dahil sa mga bagong ebidensyang natagpuan laban sa kanila.

Hindi sila makatanggap ng mga pagbisita mula sa kanilang mga pamilya habang hinihintay nila ang pinal na desisyon hinggil sa imbestigasyon, ani de Vega.

Nilinaw naman ni de Vega na wala sila sa selda.

“Hindi sila nakakulong ngayon, puwede mong sabihing kulong pero hindi sa kulungan ng preso, police detention, iba ‘yun, iba ‘yung lugar noon,” dagdag niya.

Ang bagong ebidensya ay inilabas sa pamamagitan ng Japanese media ngunit walang sinabi ang pulisya tungkol dito.

“Ang evidence daw according to papers, ‘yung DNA raw nung dalawa, nakita sa residence at ‘yung sa babae pa raw kasama pa sa murder weapon sa kutsilyo. Meron din daw silang evidence via CCTV na bumili ‘yung babae ng mga daggers before nangyari. ‘yung insidente,” paliwanag pa ng opisyal.

Sinabi ni De Vega na hindi inamin ng dalawa ang pagpatay sa mag-asawang Hapones.

“According to Ambassador Albano in Japan, they have a few more days to wrap up the investigation, kung ano na ‘yung final decision ng piskal at malalaman natin roughly March 23 at kung sasampahan sila ng kaso na.” RNT