MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nasa maayos na kondisyon ang 17 Filipino seafarers ng Galaxy Leader, isang barkong nasamsam ng mga Houthis sa southern Red Sea, ngunit hindi pa nakakabalik sa bansa.
“Hindi sila kasama sa mga uuwi bukas,” ani DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa isang televised briefing.
Ito ay matapos ipahayag ng ahensya na 11 sa 13 nakaligtas na seafarer ng pag-atake ng Houthi sa M/V True Confidence ay uuwi sa Marso 12.
Tiniyak ni De Vega na may pagkain ang mga marino, nasa maayos na kondisyon, at nakakausap ang kanilang pamilya.
“Nabibisita sila ng honorary consul natin sa Yemen, pero ikokondena ng UN [United Nations] Security Council ang aksyon na ito at uulitin ang panawagan na ma-release sila at nakikipag-coordinate tayo sa mga internasyonal na komunidad,” aniya.
Hinihikayat ng DFA, sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers, ang mga manning agencies na huwag isama ang Pilipinas o Filipino seafarers sa ilang rehiyon.
“Wala pang ban kasi hindi natin maba-ban strictly iyan ano, ‘yung seafarers kasi hindi iyan land-based. Sa land-based kasi pwede kang mag-ban o bawal pumunta sa ibang bansa,” dagdag pa ni de Vega.
“Kailangan bigyan lamang ang ating mga tripulanteng Pilipino ng option na tumanggi at ‘wag pilitin kung ayaw nilang maging crewmen ng isang barko na dadaan sa Red Sea. Alamin kung sila ay nasa mataas na panganib na lugar, at may karapatan sa mas mataas na suweldo.”
Binanggit ang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sinabi ni de Vega na nananawagan ang DFA sa ibang bansa para sa kalayaan sa paglalayag at pandaigdigang komersiyo na hindi napipigilan. RNT