MANILA, Philippines – Hindi pa naisasampa ang kaso sa korte laban sa negosyanteng si Atong Ang at 20 iba pa, ukol sa nawawalang sabungeros, ayon sa kumpirmasyon ng Department ofJustice (DOJ).
Ito ay matapos ilabas ang resolusyon na nagrerekomendang iakyat ang kaso sa korte.
Sa press conference, sinabi ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na target nilang isampa ang kaso sa mga korte sa Batangas, Laguna, at Parañaque sa susunod na linggo.
Upang maging maayos at hindi na mahirapan sa mga pagdinig, hihilingin din ng DOJ na i-consolidate ang mga kaso.
May 10 araw ang korte para maglabas ng warrant of arrest laban sa mga akusado matapos ihain ang kaso, sabi ni Fadullon.
Habang may 15 araw naman si Atong Ang para maghain ng motion for reconsideration, pero hindi na ito hihintayin ng DOJ.
Sinabi ni Fadullon na non-bailable ang kaso ngunit maaaring maghain ng motion o petition ang kampo nina Ang para makapagpiyansa.
Kamakailan lamang ay naglabas ang DOJ ng resolusyon na nagrerekomenda na kasuhan sina Atong Ang at iba pa sa 10 counts of kidnapping with homicide at 16 counts of kidnapping with serious illegal detention. Jocelyn Tabangcura-Domenden