Home NATIONWIDE Kaso vs rice importers na may overstaying containers sa Manila port, pag-aaralan...

Kaso vs rice importers na may overstaying containers sa Manila port, pag-aaralan ng DA

MANILA, Philippines – SISIYASATIN ng Department of Agriculture (DA) kung mahaharap sa legal liability ang rice importers para sa container vans ng mga imported na bigas na natuklasan na “nag-overstay” sa Manila International Container Terminal (MICT) ng ilang linggo.

Kamakailan, kinumpirma ng Philippine Ports Authority (PPA) na may 888 shipping containers, may karga na 20 million kilograms ng bigas, ang kasalukuyang nakaimbak sa container yards ng Manila ports.

Nauna rito, nanawagan si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel sa PPA na bilisan ang pagkilos sa libong container vans na naglalaman ng imported rice.

“Itsi-check muna namin. On the part ng DA, kasi kami ang concern namin sanitary and phytosanitary import clearances, so kung walang problema doon, isang way namin dito, tingnan on the policy side,” ayon kay Assistant Secretary Arnel De Mesa, tagapagsalita ng DA.

Aniya, natukoy na ng agriculture department ang consignee ng imported rice.

“So, part ito ng pag-review namin ngayon. So, we will let you know,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni PPA General Manager Jay Daniel Santiago na 300 containers ng naturang 888 shipping containers ang Inalis na ng kani-kanilang consignees.

“Dahil sa ating pagsisiwalat ng mga overstaying containers po diyan ng bigas, over the weekend lamang po ay nasa tatlondaang containers po ang na-pullout na ng mga kaniya-kaniyang consignees nito,” ang sinabi pa ni De Mesa.

“And we look forward na sa mga darating pa pong mga araw hanggang katapusan po ng buwang ito ay tuluyan pa pong mababawasan iyong mga overstaying containers natin diyan na naglalaman ng bigas,” ang winika pa rin nito.