Home OPINION KALAGAYAN NG PINOY SA LEBANON DELIKADO

KALAGAYAN NG PINOY SA LEBANON DELIKADO

HINDI na maganda ang kalagayan ng mga Pinoy sa Lebanon.

Kaya naman, naririyan ang panawagan ng pamahalaan sa lahat ng Pinoy na umuwi na lang sa Pinas o umalis sa Lebanon at tutungo sa mga ligtas na lugar.

Magkagayunman, hindi pa rin sapilitan ang pagbabakwit kundi boluntaryo.

Sabi ng pamahalaan, maaaring magsara ang nag-iisang paliparan sa Lebanon at wala nang masasakyan pang eropplano kung nagsara ito sa anomang dahilan.

Matindi na ngayon ang pambobomba ng Israel sa mismong kapital ng Lebanon na Beirut at sa south Lebanon.

Binobomba ang Lebanon dahil dito nakabase ang Hezbollah na kagiyera ng Israel at kakambal ang giyera sa Lebanon ang giyera ng Israel at Hamas sa Gaza Strip.

Kakampi ng Hezbollah ang Hamas.

MGA PATAY, NABULAG, NAPUTULAN

Hindi lang pagbomba gamit ang mga fighter-bomber plane ang ginagawa ng Israel sa Lebanon.

Pinasasabog din ng Israel ang mga pager at walkie-talkie sa Lebanon at libo-libo ang nasugatan habang 25 na ang namatay.

Kabilang sa mga nasusugatan sa patuloy na pagsabog ng mga gadget na nabanggit ang mga nabulag, naputulan ng kamay, nasabugan ng mga balakang at iba pa.

Talaga namang mabubulag, mapuputulan ka ng kamay, masasabugan ka ng balakang dahil karaniwang sa mga parteng ito ng katawan matatagpuan ang mga gadget.

Umaaray at nalulula na ang mga doktor sa paggamot ng mga nabulag, naputulan at nasabugan sa katawan.

Nasa 37 na rin ang namatay sa isang pagbomba sa Beirut nitong Biyernes at tiyak na may mga kasunod pang mga pagbomba.

Naghihiganti naman ang Hezbollah at natatamaan ng mga rocket nito ang maraming bahaging norte ng Israel.

BIKTIMANG MGA PINOY

Hindi imposibleng may namatay o nasugatan nang Pinoy sa mga pagsabog ng mga gadget at bomba.

Dapat alamin ito ng ating pamahalaan at kumilos kaagad kung may mga biktima nang mga Pinoy.

Kung wala naman, magpasalamat tayo.

Pero tama lang ang pagpapabakwit sa mga Pinoy.

Totoong may umuuwing Pinoy pero kakaunti lang ang bilang ng mga ito kumpara sa sinasabing 32,000-34,000 na nasa Lebanon.

Mas marami pa ang Pinoy sa Lebanon kaysa sa Israel na nasa 30,000 lamang.

GUTOM VS BUHAY

Ayon sa maraming Pinoy roon, umaasa pa rin silang hihinto rin ang digmaan doon kaya ayaw nilang umalis.

At takot silang pag-alis nila sa kanilang mga pinapasukan, papalitan lang sila ng mga TNT na Pinoy rin at tuluyan na silang mawalan ng trabaho sa nasabing bansa.

Dapat na pag-isipan at aksyunan ang malaking problemang ito ng mga Pinoy sa Lebanon at ipaliwanag nang husto na mas mahalaga ang buhay kaysa salapi na kanilang kinakapitan.

Pero pag-uwi nila sa Pinas, dapat naman talagang hindi nila madatnan ang gutom at paghihirap na pilit nilang tinatakasan at nilalabanan sa nag-aabroad.