MANILA, Philippines – Patuloy na pinapaigting ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagbabantay sa mga coastal area laban sa illegal trading ng langis.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, tuloy-tuloy ang kanilang koordinasyon sa iba pang law enforcement agencies upang malabanan ang illegal fuel pilferage o “paihi” sa malawak na katubigan ng bansa.
Ayon kay Cayabyab, mas pinaigting ng PCG ang pagsasagawa ng maritime security patrol, surveillance, at inspection sa lahat ng barko.
Binanggit ni Cayabyab na noong April 7 ay nagkaroon ng joint law enforcement operation kasama ang Philippine National Police (PNP) kung saan siyam ang naaresto.
Aniya, halos P9.75 milyon ang nakumpiska na fuel costs sa nasabing operasyon.
Samantala, ibinahagi naman ni Commodore Cayabyab ang paglulunsad ng Probity Assurance Team (PAT) upang mapabilis ang imbestigasyon sa mga kaso at maitaguyod ang disiplina at integridad sa bawat miyembro ng Coast Guard.
Kaugnay ito sa pagkakaaresto naman sa dalawang tauhan ng PCG sa magkahiwalay na insidente ng anti-drug operation sa Cebu City at Davao City. Jocelyn Tabangcura-Domenden