Home OPINION KAUNA-UNAHANG “FROZEN DURIAN” EXPORT NAKARATING NA SA BANSANG TSINA

KAUNA-UNAHANG “FROZEN DURIAN” EXPORT NAKARATING NA SA BANSANG TSINA

NAKARATING na sa Nansha district, Guangzhou, China ang kauna-unahang pag-export ng frozen durian meat at paste na pinayagan ng General Administration of Customs ng People’s Republic of China noong Pebrero 18, 2025.

Gumawa ang Maylong Enterprises Corporation, isang kompanyang nakabase sa Da­vao City ng kasaysayan bilang unang negosyo sa Pilipinas na inaprubahang magsimula ng pag­dadala ng durian sa nasabing bansa.

Ipinadala ng kompanya ang 1,050 kahon ng frozen durian meat at 300 kahon ng durian paste na nagkakahalaga ng Php 8.2 million nitong Pebrero 11, 2025 ay.

Isa itong mahalagang ta­gum­pay sa sektor ng agrikultura sa bansa. Pinagtulung-tulungan ito ng Department of Agriculture-Regional Field Office XI, Bureau of Plant Industry – Plant Quarantine Service, Port of Davao, at ng mga durian producers sa rehiyon. Tiniyak ng mga ito ang masusing pagsunod sa mahigpit na regulasyon ng China pagdating sa pag-aangkat ng produkto.

Binigyang-diin ni DA-RFO XI regional executive director Ma­cario Gonzaga ang frozen du­rian ay sumasalamin sa pag-asa at pangarap ng mga magsasaka sa Davao region, at nagpapakitang ang tagumpay ay nakakamit sa pamamagitan ng iisang pananaw at layunin.

Sumusuporta naman ang Durian Industry Association of Davao City at ang Durian Expor­ters Association of the Phi­lippines sa pagbubukas ng merkado sa China. Kapwa binigyang-diin ng dalawang organisasyon ang ka­halagahan ng pagpapanatili ng kalidad ng mga ipapadalang fro­zen durian at paste upang mapangalagaan ang reputasyon ng durian mula sa Pilipinas sa pandaigdigang merkado.

Papatunayan ng bansa sa China na ang Pilipinas ang nangunguna bilang tagagawa ng durian sa buong mundo.

Sa datos ng World Trade Organization, ang China ang ikat­long pinakamalaking ban­­sang kumokonsumo ng fresh durian sa buong mundo na noong 2022 ay umabot sa 824,000 tonelada ang inangkat na nagkakahalaga ng US$ 4 billion.

Umaabot naman sa mahi­git 70,000 tonelada ng durian ang naaani ng Pilipinas na ka­ramihan ay mula sa Davao region.