Home METRO Kawatan na ginang kulong sa ‘restricted area’

Kawatan na ginang kulong sa ‘restricted area’

BATANGAS-HINDI inakala ng isang ginang na umano’y notoryus na kawatan na huling ospital na nito ang kanyang destinasyon dahil sa pagpasok nito sa ‘restricted area’ ng ospital noong Lunes sa Lipa City.

Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Lipa City Police Station, ang suspek na hindi pa matukoy ang tunay na pagkakakilanlan dahil sa iba’t ibang identification card nitong ginagamit.

Batay sa report ng Lipa City Police Station, napansin ng isang doktor ang suspek na nagtungo sa ‘restricted area’ ng ospital kaya tinawag ito ng security guard.

Agad na tinanong ang suspek kung ano ang ginagawa nito subalit hindi siya nakasagot kaya dinala na ito ng mga guwardiya ng ospital sa nasabing himpilan ng pulisya.

Nadiskubre na ang suspek ang responsable sa pananalisi sa mga ospital at klinika sa Antipolo, Baguio, Muntinlupa City, Quezon City, Cavite, Batangas, Pangasinan at Tarlac.

Umabot na rin sa 40 doktor ang kanyang biktima sa nakalipas na 3-taon na natangayan ng pera at mga gamit sa ospital.

Nakuhanan din ng CCTV ang ibang insidente ng pagnanakaw ng suspek tulad ng pagkuha nito ng pitaka ng isang doktor at mabilis na nakapag-withdraw ng pera.

Sinabi ng pulisya, na madalas ang modus ng suspek ay magpanggap na pasyente, kamag-anak ng pasyente o di kaya’y medical staff.

Maliban sa kasong theft nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Article 281 o Trespassing at Art. 178 using of fictitious name and concealing name. Mary Anne Sapico