MANILA, Philippines – Ipinatitigil na ni Bureau of Corrections (BuCor) Dir. Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. ang pagsasagawa ng strip search at cavity search sa mga bisita ng Person Deprived of Liberty (PDL) sa lahat ng mga bilangguan sa bansa.
Sa inilabas na Memorandum ni Catapang, inaatasan ang lahat ng Operating Prisons and Penal Farms (OPPF) Superintendents na agad itigil ang mga search.
Sinabi ni Catapang na patuloy pa ang isinasagawang pag-aaral hinggil sa naturang protocol.
“In view of the ongoing review of the Bucor’s Procedures and Protocols on Strip Search and Cavity Search on PDL Visitors, you are hereby directed to immediately stop the conduct of such searches until further notice,” nakasaad sa memorandum.
Una nang naghain ng reklamo sa Commission on Human Rights (CHR) ang dalawang misis ng PDL na dumanas umano ng traumatic at nakakahiyang karanasahan sa isinagawang strip search sa kanila noong Abril 21 sa NBP Maximum Security Compound.
Nilinaw ni Catapang na istriktong ipinatutupad ang strip search sa lahat ng prisons at penal farms dahil maraming bilang ng mga bumibisita ang nagtatangka na magpasok ng mga kontrabando.
Sa BuCor Operating Manual hinggil sa visitor control, ang mga babaeng bumibisita ay kinakapkapan ng mga babae na corrections officers sa pribadong lugar na may permiso ng bisita mismo sa pamamagitan ng pagpirma sa waiver. Teresa Tavares