TAYO na yata ang bansang bugbog na bugbog sa mga kalamidad pero nananatiling matibay at matatag.
Sa kabila ng mga nakatrotromang sakunang hatid ng kalikasan, patuloy lang tayo sa pagbangon, patuloy sa paglaban sa buhay. Nagagawa pa rin nating ngumiti at maging masaya. Sabi nga, mga Pinoy kasi tayo.
Kapag may mga parating na bagyo, nariyan tayo at naghahanda. Ang bawat pag-iingat ay ginagawa. Sinususpinde ang trabaho at mga klase sa paaralan. Inaasahang kakayanin ang pinakamalakas na hampas ng unos kasi’y balot tayo ng baluti ng malakas na pananampalataya sa Maykapal.
Pagsapit ng mga bayo ng unos, muli tayong lalakas, babangon at lalaban na naman. Nilinang na tayo ng malakas na kumpiyansang malalampasan ang mga hamon na nakatakdang tiisin.
Ngunit minsan dahil tayo’y mga tao lang, pinapawian din ng lakas at kumpiyansa lalo kung makikita na tayo ay tinatarantado ng ating mga pinuno. Lantaran kung pagtaksilan nila tayo ng uri ng kanilang pulitika na sinasabayan ng pagnanakaw sa kabang bayan.
Sa kaunting pag-ulan, bumabaha ang ating mga lansangan. Ang mga flood control project na inaakala nating lulutas sa problema ay lalo lang nagpalala sa pagbaha. Marami sa mga proyekto ay inilaan lamang upang mapadali ang kanilang pagnanakaw.
Kinulimbat ang trilyong pondo ng bayan para sa mga walang kwentang proyekto at mga gimik na bulok sa pampulitikang kampanya para lang makuha ang simpatiya ng mamamayan sa pamamagitan ng hindi katanggap-tanggap na mga ayuda.
Sa marami pang larangan, tayo ay binigo ng ating mga pulitiko at ng gobyerno. Ang sistema ng ating edukasyon ay pinabayaang mabulok. Ang mga mag-aaral ay walang mga gamit na magpapaunlad sa kanila sa hinaharap.
Gayundin, ang pampublikong sistema sa kalusugan ay bulok. Bukod sa flood control projects, ang mga ipinatayong pampublikong ospital at health centers ay batbat ng katiwalian.
Hindi kayang pakainin ng ating agrikultura ang ating mamamayan. Ang P20 kada kilong bigas ay ginagawang panakip sa kanilang kapalpakan. Mabuway at hindi natin alam kung saan patungo ang ating ekonomiya. Walang makabuluhang mga trabaho ang mga tao.
Kaya marahil panay ang pagdaan sa atin ng mga kalamidad na wari’y ipinahihintulot ng Maykapal para ipakita ang kabalbalan at mga katarantaduhan ng pamahalaan at ng mga pulitiko.
Mahal na mahal natin ang ating bansa. Pero hanggang saan aabot ang ating pagtitiis at pagmamahal kung sinasadyang biguin tayo ng ating gobyerno? Kaya pa ba mga kababayan?






