MAY nabuong masamang panahon sa Philippine Sea at tapat ng Visayas, ayon sa PAGASA.
Kung hindi magiging bagyo at manatiling low pressure area ito, magsimulang tatama ito bukas, Lunes at Martes sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Visayas at Mindanao.
Sa Huwebes at Biyernes, bago makalabas sa bansa ang LPA patungong West Philippine Sea, daraan pa rin ito sa Calabarzon partikular sa Cavite at Batangas, Mimaropa, Western Visayas, Metro Manila, Zambales at Bataan.
Sa Miyerkules at Huwebes, matatamaan ng pag-ulan ang mga nilindol sa Cebu kaya naman dapat paspasan ang paggawa ng pamahalaan ng mga masisilungan at matutulugan ng mga biktima ng lindol.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council, may 18,154 bahay ang nasira at 3,507 dito ang nagiba nang buo.
Kasama dapat sa mga mabigyan din ng masisilungan at matutulugan ang mga may tahanang hindi nasira ngunit katabi ng mga sinkhole o butas ng lupa, landslide mula sa mga tabing-bundok at nakatayo o nakatabi sa mga bitak ng lupa.
Delikado rin ang lagay ng mga ito sa mga aftershock na malalakas at mahihina na inaasahang magtatagal hanggang sa katapusan ng buwan.
Pero ang pagtatayo ng anomang panandaliang istruktura ay dapat ginagabayan ng Department of Science and Technology, Philippine Institute of Volcanology and Seismology at Department of Environment and Natural Resources para matiyak na maging ligtas ang mga evacuation center.
Gaya ng alam ng lahat, nakamamatay, nakasusugat, nakami-missing at nakasisira ng ari-arian ang landslide, sinkhole at lupang bitak.
Ang pamahalaan ang pangunahing inaasahan sa pagbibigay ng ligtas na kalagayan ng mga mamamayan at tutulong na lang ang iba, gaya ng Philippine Red Cross, non-government organizations at indibidwal na may kakayahang magkontribusyon ng kanilang makakaya.
Sana hindi na madagdagan pa ang 72 namatay at halos 600 nasugatan sa lindol dahil sa paparating na LPA.






