ISANG buwan ang kailangan bago makaramdam ng kaunting ginhawa ang mga biktima ng lindol sa Cebu at iba pang mga nadamay na lugar.
‘Yun bang === magkakaroon na ang libo-libong biktima ng kahit papaano, eh, masisilungan at matutulugan, makabalik o magkaroon ng tuloy-tuloy na trabaho ang mga nawalan nito, makabalik sa iskul ang mga mag-aaral, magkaroon ng tuloy-tuloy na suplay ng kuryente at tubig, walang magkakasakit at iba pa.
Ang inaalala lang natin na posibleng mangyari na sisira sa lahat ng panalangin at ginagawa nating pagkakaroon ng mga biktima ng kaunting ginhawa ay matamaan ng mga bagyong darating.
Magpapasalamat tayo at hindi tumama sa kanila itong si bagyong Paulo.
Ngunit sinasabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na may tatlo pang darating na bagyo.
Paano nga kaya kung isa o lahat ng ito ay tatama sa mga biktima ng lindol?
At paano rin kung tatama rin sa kanila ang mga darating pang bagyo sa mga buwan ng Nobyembre at Disyembre?
HINDI MADALI
Sa totoo lang, hindi madali ang pagbangon mula sa matinding pinsala gaya ng idinulot ng lindol na naging mapangwasak.
Isa sa mga tatandaan ang posibilidad na hindi basta makapagsimulang magtayo ng tahanan ang sinoman sa lugar.
Isang buwan kasi ang inaasahang pagkakaroon ng mga aftershock at hindi imposibleng may malakas pa ring lindol na maganap na magiging mapanganib sa sinomang gagawa ng istruktura na permanente.
Sa paggawa lang ng bahay na may parteng hollowblock, magiging marupok ang mga ito kung habang ginagawa ay matamaan ng mga aftershock kaya posibleng mag-crack o mademolis sa pagiging hilaw makaraan ang ilang araw o linggo, depende kung paano gagawin ang mga ito.
Ganito rin sa mga flooring na pinahihinog ng mahaba-habang panahon, lalo na ang mga para sa second floor pataas.
Pinakamahirap ang pagpupundar ng mga materyales na kailangan sa pagtatayo ng tahanan, eskwela at iba pa o kaya’y pag-repair ng mga ito.
Sa hirap ng buhay ng higit na nakararami, partikular sa mga pribadong tao o pamilya, mahirap isiping makikipag-agawan sa kita ang pagtatayo ng bahay sa mga pangangailangang gaya ng pagkain, pagbabayad ng kuryente, tubig, gastusin sa pag-aaral ng mga bata, pagpapagamot sa mga maysakit, pagpupundar ng mga nasirang kagamitan sa hanapbuhay o negosyo at iba pa, kasama ang mga emergency at pagkamatay ng haligi ng tahanan.
AYUDA NG GOBYERNO
Pangunahin sa mga inaasahan ang ayuda ng gobyerno.
Kailangang magbuhos ang pamahalaan ng malaki-laking halaga para sa bawat pamilyang nangangailangan.
Isa nga sa dapat na gawin ay ilibre ang mga biktima, lalo na sa pagkain, at hindi bentahan ng P20 kada kilo.
Kung may madedeklarang ligtas ang isang lugar, sapat sabayan ito ng mabilisang pagtatayo o pag-repair ng mga bahay roon.
Kung kinakailangang bayaran ay magaan lamang at maniningil lang ang gobyerno makaraan ang ilang panahon na handa na ang mga biktima na muling may kakayahang magbayad.
Kung gagawa ng pabahay na libre kahit sa ilang panahon, gaya ng pagbibigay ng libreng buwis sa malalaking kompanya na may kakaibang produkto o serbisyo, mas mainam.






