MANILA, Philippines- Nasabat ng mga awtoridad ang ilang high-powered firearms at nadakip ang isang lalaking suspek sa isang operasyon sa lalawigan ng Rizal.
Inihayag ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Brig. Gen. Nicolas Torre III nitong Biyernes na si alyas “Bong,” ay nadakip sa isang search warrant operation sa Barangay Mayamot, Antipolo City noong Huwebes ng gabi.
Ang 54-anyos na suspek ang subject ng search warrant na ipinalabas ng korte sa Lucena City noong Dec. 17 dahil sa illegal possession of firearms.
Sa nasabing operasyon, nasamsam ng CIDG operatives ang isang Colt caliber 5.56mm rifle, isang Thompson caliber .45 pistol, isang Colt caliber .45 pistol, isang Metrillo caliber .40 pistol, isang 9mm Glock pistol, isang Rock Island caliber .22 rifle na may scope, isang converted caliber .22 rifle, assorted magazines, at mga bala.
Nadiskubre rin sa attic ng tahanan ng suspek ang dalawang Dillon Precision reloading machines para sa ammunition, isang compressor, dalawang polishing tumblers, at ilang reloading materials tulad ng smokeless gunpowder, cartridge cases, bullet heads para sacalibers .40, .45, at 9mm, at primers.
Sinaksihan ng barangay officials ang operasyon.
Ani Torre, dinala na ang naarestong suspek at nakumpiskang ebidensya sa CIDG Rizal Provincial Field Unit para sa dokumentasyon at wastong disposisyon. RNT/SA