CEBU CITY- Patay ang isang lalaki matapos barilin ng pulis na umano’y naghuramintado habang nag-iinuman ang kapitbahay nito, nitong Biyernes sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktimang si Leo Vergel Fin Suico, nasa hustong gulang habang sumuko naman ang suspek na si Police Staff Sgt. Florante Perucho Hoyle, nakatalaga sa City Investigation and Detective Management Unit (CIDMU), Cebu City Police Office at kapwa residente ng Barangay 6, Tuburan, Cebu.
Ayon kay Police Capt. Dun Blane Tabares ng Cebu Police Provincial Office, naganap ang krimen bandang alas-6:15 ng hapon noong Mayo 13, 2025 sa nasabing lugar.
Sa pahayag ng ilang saksi sa pangyayari, dumating ang suspek sa kanilang lugar na lasing at naabutan ang ilang kalalakihan na nag-iinuman.
Dahil dito, sinita umano ng suspek ang grupo ng nag-iinuman na nauwi sa mainitang pagtatalo at suntukan.
Nagpaputok si Hoyle ng warning shot at saka tumakbo ang grupo ng kalalakihan.
Pumasok si Hoyle sa isang bahay at lumabas ang biktima saka niya ito binaril sa ulo na naging sanhi ng agarang kamatayan.
Nakakulong na si Hoyle sa Tuburan Police Station at nahaharap sa kasong murder at physical injury.
Samantala, dinakip naman ang pinsan ng biktima na si Jerymy Fin Suico, matapos batuhin ang patrol car ng mga pulis at nabasag ang back windshield.
Nahaharap ngayon sa kasong Malicious Mischief si Jerymy. Mary Anne Sapico