PAGADIAN CITY- Isinara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Mt. Timolan Protected Landscape (MTPL) sa Tigbao, Zamboanga del Sur para sa mga trekker matapos lumabas sa social media ang video ng isinagawang sabong malapit sa Lake Maragang sa loob ng nasabing protected area.
Ayon kay DENR-9 Regional Executive Director Arturo Fadriquela, agad silang nagsagawa ng pormal na imbestigasyon at tiniyak na kung kinakailangan ay kakasuhan ang mga responsable.
Tinanggal din sa pwesto ang protected area superintendent habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Bilang bahagi ng patakaran, obligado ang mga tour guide na magpaliwanag ng mga bawal sa lugar, kabilang na ang pagbabawal sa mga aktibidad na nakakaabala sa wildlife tulad ng malakas na ingay.
Sinabi ni Fadriquela na pansamantala ang pagsara ng Mt. Timolan habang isinasagawa ang imbestigasyon. Mary Anne Sapico