Home METRO Kelot na may problema sa pag-iisip dinakma ng buwaya

Kelot na may problema sa pag-iisip dinakma ng buwaya

ZAMBOANGA, SIBUGAY- Dinakma ng buwaya ang buong hita ng isang lalaking may problema sa pag-iisip makaraan bulabugin niya ito sa loob ng kulungan, iniulat kahapon sa bayan ng Siay.

Inoobserbahan ngayon sa Dr. George T. Hofer Memorial Hospital, Zamboanga Sibugay ang 29-anyos na lalaking hindi pinangalanan at residente ng Barangay Batu, bayan ng Siay.

Batay sa report ng Siay Municipal Police Station, naganap ang insidente Lunes Abril 28, 2025, sa loob ng Kabog Mangrove Park at Wetlands sa naturang bayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bigla na lamang tumalon ang biktima sa loob ng kulungan ng buwaya sa pag-aakalang isa lamang itong plastic na laruan.

Sa bilis ng pangyayari, agad na dinakma ng buwaya ang buong hita ng biktima at nag-iingay ito habang sumisigaw sa sakit ng nararamdaman.

Nasaksihan ng mga residente ang pangyayari at humingi ang mga ito ng tulong sa mga awtoridad at tumagal pa ng ilang minute bago bitawan ng buwaya ang hita ng biktima.

Dumating naman ang may-ari ng buwaya at tinawag nito ang pangalan ng kanyang alaga na pakawalan ang biktima saka dinala sa nasabing ospital ang biktima ng mga rumespondeng pulis at tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO). Mary Anne Sapico