PAMPANGA- Arestado ang isang lalaki matapos saksakin at mapatay ang 2-anyos nitong stepson habang sugatan ang kanyang kanyang kinakasama, iniulat kahapon sa bayan ng Lubao.
Kinilala ang nadakip na suspek na si Harold Ramos, nasa hustong gulang kasama ang kanyang tiyuhin na si Ronald na pinagtaguan nitong bahay sa Brgy. San Roque Dau 1st, Lubao Pampanga.
Sa ikinasang operasyon ng Lubao Municipal Police Station, Pampanga Police Intelligence Unit, at SWAT Pampanga, dakong alas-12:30 ng hapon noong Abril 4, 2025 nadakip ang suspek.
Narekober sa gamit ng suspek ang isang granada at dalawang cellphone.
Ayon sa pulisya, nagsimula ang away ng maglive-in partner dahil lamang sa text message sa babae ng kanyang pinsang tomboy.
Hindi mabasa ng suspek ng text message kaya nagalit ito sa ina ng bata na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa tumakbo ang babae sa labas ng kanilang bahay.
Naalala ng babae ang kanyang anak na nasa loob ng bahay kaya binalikan niya ito para kunin subalit dito na siya sinaksak ng suspek sa braso subalit tumagos ito sa kanyang anak na kanyang buhat-buhat.
Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang suspek habang dinala naman sa ospital ang mag-ina para lapatan ng lunas subalit nalagutan ng hininga ang bata sanhi ng malalim na tama ng mga saksak sa katawan.
Nahaharap ngayon sa kasong Homicide, Attempted Homicide kaugnay ng Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act), at paglabag sa Republic Act 9516 (Illegal Possession of Firearms, Ammunition, and Explosives) si Ramos.
Habang Obstruction of Justice naman ang kakaharapin ng kanyang tiyuhin dahil sa pagkanlong nito sa suspek.
Pinuri naman ni PRO3 Regional Director PBGEN Jean S. Fajardo ang mga operatiba ng Pampanga-PNP sa loob ng 36 oras na pagkakadakip sa suspek. Mary Anne Sapico