MANILA, Philippines – Tiklo ang 39-anyos na lalaki na nag-amok at nanuntok ng motorista sa Divisoria, Maynila nitong Linggo, Pebrero 9.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naingayan ang suspek sa busina ng mga sasakyan habang nakasakay ito sa isang jeep.
“Ang suspek po natin ay naingayan po sa busina ng motorsiklo tsaka ng mga jeep. Doon po siya nagsimula na makipag-away po siya sa motorista,” pahayag ni Police Lieutenant Colonel Alvin Christopher Baybayan, Station Commander ng Moriones Police, sa panayam ng ABSCBN News.
Sa viral video, makikita ang pag-aaway ng suspek at isang motorista na kalaunan ay nauwi sa suntukan.
Dahil dito ay nagsumbong ang ilang motorista sa mga awtoridad kaya mabilis na nakaresponde ang mga ito.
“Ang sabi niya ay mayroon daw pong nagpakilalang pulis na sinusugod sila o sinusuntok sila. Hindi po nagpapigil ‘yung suspek natin kahit pong nagpakilala na pong pulis ‘yun atin pong tauhan. Patuloy po niyang sinusugod ‘yung isang motorista,” dagdag ni PLtCol. Baybayan.
Sa kabila na huminto, sinubukan pang agawin ng suspek ang baril ng rumespondeng pulis at sinuntok pa ito.
“Habang siya po ay pinoposasan, doon naman niya sinuntok sa mukha ‘yung pulis natin, at ‘yun naman po ang dahilan kung bakit pinagtanggol ng atin pong pulis ang kanyang sarili at eventually po naaresto ang suspek.”
Dinuraan din nito ang isa pang pulis nang dalhin ito sa police station.
Ayon sa suspek, may pinagdaraanan siyang problema sa kanyang pamilya at uminit ang kanyang ulo dahil sa ingay ng busina ng drayber ng motorsiklo.
“Para naman po siya sir g@g# gawa ng ‘yung nauuna sa kaniya ‘yung sinasakyan kong jeep, ay busina po ng busina. Hindi ba po kung matino ang pagkatao mo diba dapat hindi mo bubusinahan. Sabi ko kung gusto mo magmadali, lagyan mo ng pakpak at paliparin mo,” ayon sa suspek.
Nasa kustodiya na ng Moriones police ang suspek na nahaharap sa mga reklamong alarm and scandal, resistance and disobedience to a person in authority, usurpation of authority, at direct assault. RNT/JGC