MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaki nang pagbabarilin ng mga nakamotorsiklo sa Tondo, Maynila Miyerkules ng madaling araw
Kinialala ang nasawing biktima na si Angelo Pidnaoan y Haboc, 32 anyos at residente ng Raxabago St., Barangay 155, Tondo, Maynila.
Sugatan naman ang dalawang suspek na kasalukuyang ginagamot sa magkahiwalay na ospital sa Maynila matapos na rumesponde ang isang pulis na nakarinig ng mga putok na baril.
Sa imbestigasyon, alas dos ng madaling araw nang mangyari ang pamamaril sa kahabaan ng Cavite St., kanto ng Mel Alcalde St., Barangay 169, Tondo, Maynila.
Kinilala ang isang suspek na itinakbo sa Chinese General Hospital na si Jhiro Bininsig y Dela Cruz, 27 anyos, at residente Batangas St., Tondo, Manila, habang inaalam pa ang pagkakilanlan ng isang pang suspek na ginagamot naman sa Tondo Medical Center.
Ayon sa imbestigasyon, lumabas ng bahay si PCpl Greagan Ronnel Aga, nakatalaga sa Don Bosco PCP, upang alamin ang nangyayari sa labas nang makitang binabaril ng mga suspek ang biktima.
Dito na sumigaw ang opisyal ng “Pulis to!” bilang pagpapakilala sa kanyang sarili bilang opisyal ng pulisya at binunot ang kanyang baril at ipinutok sa mga suspek, dahilan para sila ay tamaan ng bala.
Tumakas din ang iba pang suspek sakay ng kanilang motorsiklo.
Patuloy pang inaalam ng pulisya ang motibo ng pamamaril ng mga suspek sa biktima. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)