MANILA, Philkippines- Swak sa kukungan ang isang 38-anyos na lalaki makaraang mahulihan ng mahigit kalahating milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation sa Quezon City nitong Linggo ng umaga.
Kinilala ni PCOL Melecio M Buslig, Jr., Acting District Director ng QCPD, ang nadakip na si Cristito Celestino Beni, 38, residente ng Brgy. Bagong Silangan, Quezon City, makaraang maaresto sa isinagawang buy-bust operation na nagresulta sa pagkumpiska ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P550,800.
Batay sa ulat, nagsagawa ng buy-bust operation ang Payatas Bagong Silangan sa ilalim ni PLTCOL Rolando Baula sa pakikipagtulungan ng PDEA-NCR alas-9 ng umaga sa loob ng bahay ng suspek sa No. 296 General Canon St., Brgy. Bagong Silangan, Quezon City.
Ayon sa pulisya sa operasyon, nagpanggap na buyer ang isang pulis at bumili ng P1,000 halaga ng shabu sa suspek. Nang matanggap ang pre-arranged signal, agad na inaresto ang suspek.
Narekober mula sa suspek ang 81 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P550,800, .380 caliber pistol na may kargang pitong live ammunition, kung saan walang naipakitang mahalagang dokumento, isang cellular phone, isang light brown na eco bag, at ang markadong buy-bust money na ginamit sa transaksyon.
Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, sa tanggapan ng Quezon City Prosecutor.
Ang QCPD ay patuloy na pinaiigting ang kanilang anti-illegal drug operations bilang bahagi ng kanyang hindi natitinag na pangako sa paggawa ng Quezon City na isang mas ligtas, drug-free na komunidad. Ang mga pagsisikap na ito ay naaayon sa mga direktiba ng C, PNP, PGEN Rommel Francisco D Marbil, at ARD, NCRPO, PBGEN Anthony A Aberin, na tinitiyak ang isang nagkakaisa at estratehikong diskarte upang mapuksa ang mga ilegal na droga sa rehiyon. Santi Celario