HINDI kayang bayaran ng mga pasyenteng may mga problema sa puso ang mga gastos sa mga pamamaraan ng angiogram at angioplasty dahil sa mga hadlang sa pananalapi. Hinihiling nila na isama ng PhilHealth Insurance Corporation o PhilHealth ang mga pamamaraang ito sa kanilang Z benefit package.
Ang Z benefit ng PhilHealth ay para sa coronary bypass surgeries, mahalagang maglabas ng isang bagong pakete para sa angiogram at angioplasty. Isang procedure hindi gaanong invasive na opsyon para sa mga pasyente. Bakit hahayaan o hintayin muna lumala ang sakit sa puso para sumailalim sa open-heart surgery kung ang angioplasty ay maaaring maging isang praktikal na alternatibo, hindi hirap ang pasyente at mabilis pa makalabas ng ospital?
Ang pinalawak na benepisyo ng PHILHEALTH para sa heart attack ay nagtitiyak na makatatanggap ang mga pasyente ng agarang medikal na atensyon, kabilang ang emergency medical transport papunta sa mga pasilidad na may kakayahang magbigay ng angkop na paggamot, at ang lahat ng kinakailangang interbensyon para sa kaligtasan at maayos na resulta ng paggamot.
Ang mga pinahusay na heart package ay sumusuporta sa malawak na serbisyo na kinabibilangan ng emergency medical services, gamot, laboratoryo at diagnostic tests, medical supplies, paggamit ng kagamitan, at kaukulang administrative fees. Sa kaso ng percutaneous coronary intervention, maaaring magamit ang serbisyo sa alinman sa 70 accredited Cath Labs sa buong bansa.
Pinaalalahanan ni PHILHEALTH President at Chief Executive Officer Emmanuel R. Ledesma, Jr. ang mga miyembro na walang dapat na co-payment para sa inpatient admissions sa basic o ward accommodations sa parehong pampubliko at pribadong pasilidad sa buong bansa.
“Ngunit huwag nating kalimutan, maiiwasan ang sakit sa puso. Para suportahan ang aming mga miyembro sa kanilang pagsisikap tungo sa mas mabuting kalusugan lalo na sa bagong taon, hinihikayat namin ang lahat na gamitin ang aming primary care benefits sa ilalim ng Konsulta,” ani Ledesma.
Kabilang sa KONSULTA ang konsultasyon sa primary care physician, laboratory tests para sa maagang pag-detect, at libreng gamot para sa mga may kondisyon sa puso. “Sa pamamagitan ng Konsulta, maagang matutukoy ang mga potensyal na panganib sa kalusugan, kabilang ang family history ng sakit sa puso, at magbibigay-raan ito sa agarang interbensyon tulad ng gamot sa cholesterol management at lifestyle advice upang maiwasan o mapabagal ang pag-unlad ng sakit sa puso,” dagdag niya.
Hinikayat niya ang mga Filipino na magparehistro sa kanilang napiling KONSULTA provider sa mga local health insurance offices o sa kanilang PHILHEALTH Member Portal account.
Sa pamamagitan ng pagsunod sa malusog na pamumuhay at paggamit ng KONSULTA, mas mapangangalagaan ng mga Filipino ang kanilang kalusugan mula sa sakit sa puso para sa isang mas malusog at hinaharap.