MANILA, Philippines – Naaresto na sa ikinasang follow-up operation ng Manila Police District (MPD) ang tatlong lalaki na responsable sa pagnanakaw ng mga plaka ng sasakyan sa Tondo, Maynila noong Lunes ng madaling araw.
Ayon sa MPD-PS 7, pawang mga residente ng Tondo ang dalawang menor de edad na mga suspek at isa-isang binabaklas ang mga plaka.
Natunton sila ng mga otoridad at inamin ang ginawang krimen saka sinabing ibinenta ito sa isang junkshop sa halagang P8,000.00.
Dito na nagkasa ng operasyon at nasakote ang stay-in helper ng junkshop na bumili ng plaka na nakilalang si Arlou Peras, 31-anyos na residente ng Juan Luna Street Gagalangin, Brgy. 158, Zone 14 sa Tondo.
Nabawi ng mga pulis ang mga plaka ng biktima kung saan kasalukuyan nang hawak ng Manila Department of Social Welfare ang dalawang menor de edad habang nakakulong na si Peras na nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-fencing law. Jocelyn Tabangcura-Domenden