Home METRO Kelot tiklo sa panghoholdap gamit baril-barilan sa Valenzuela

Kelot tiklo sa panghoholdap gamit baril-barilan sa Valenzuela

MANILA, Philippines – Huli ang 29-anyos na lalaki matapos holdapin ang kalugar na call center agent gamit ang isang baril-barilan sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, mahaharap sa kasong Robbery (Hold-up) ang suspek na si alyas “Andy”, ng Naticidad St., Brgy. Mapulang Lupa.

Sa imbestigasyon ni PMSg Joel Sia, habang ginagamit ng biktimang si alyas “Ken”, 23, call center agent at residente din sa naturang barangay ang kanyang cellphone sa kanto ng Sto. Rosario at Benito Sts., Brgy. Mapulang Lupa nang biglang sumulpot sa kanyang harap ang suspek at tinutukan siya ng baril sabay nagpahayag ng holdap dakong alas-5:00 ng madaling araw.

Sa takot sa kanyang kaligtasan, hindi na pumalag ang biktima nang pagbantaan ng suspek at sapilitang kunin ang cellphone niya na nagkakahalaga ng P10,000 bago mabilis na tumakas patungong CF Natividad Street.

Inireport ng biktima ang insidente sa Ugong Police Sub-Station (SS8) at sa isinagawang follow-up operation nina PSSg Al Sanchez at PCpl Jhin Kenneth Sison ay agad namang naaresto ang suspek.

Nakumpiska sa suspek ang isang replica ng cal. 45 baril na kanyang ginamit sa panghoholdap at ang cellular phone ng biktima. Rene Manahan