Home METRO Kelot timbog sa P408K na ‘bato’ sa Pangasinan

Kelot timbog sa P408K na ‘bato’ sa Pangasinan

PANGASINAN- Swak sa kulungan ang isang 29-anyos na lalaki matapos maaresto sa isinagawang anti-illegal drugs buy-bust  operation ng mga awtoridad sa Brgy. Embarcadero, Mangaldan ng lalawigang ito kahapon, Hulyo 21.

Sa inilabas na Press Release ni Police Lt.Col. Benigno C. Sumawang, Chief RPIO ng Police Regional Office (PRO) 1,  ang suspek ay mula sa Dagupan City, Pangasinan,  nasa kategoryang high value individual (HVI) at nakalista rin bilang Regional Top Priority Target.

Sa naturang buy-bust operation ay nakarekober ang mga operating team ng isang knot-tied plastic at isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu.

Tumitimbang ng 60 gramo at nagkakahalaga ng P408,000.00 ang narekober na shabu.

Bukod sa naturang shabu, may mga nakumpiska rin na mga non-drug evidence ang mga awtoridad.

Ginawa ang inventory at markings sa mga nakumpiskang ebidensya doon mismo sa lugar, sa harap ng mga mandatory witness at ng suspek.

Ang operasyon ay isinagawa ng mga pinagsamang puwersa ng Regional Police Drug Enforcement Unit 1 (lead unit), PDEA, RID PRO1, PDEG SOU1, PDEU Pangasinan, PIU Pangasinan, Mangaldan MPS.

Pinuri ni Police Brig. Gen. Dindo R. Reyes, Acting Regional Director ng Police Regional Office 1, ang mga operatiba sa matagumpay  na pagkakaaresto sa suspek.

Sinabi ng opisyal na ito ay patunay ng seryosong kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga sa rehiyon. Rolando S. Gamoso