LA UNION-Kamatayan ang sumalubong sa isang naka-motorsiklong lalaki matapos na ang kanyang sasakyan ay mabangga ng nakasalubong na Ford Ranger Pick-up sa national highway sa Brgy. Ili Norte, San Juan ng lalawigang ito kahapon ng umaga, Marso 30.
Ayon sa mga awtoridad, ang 21-anyos na driver ng Yamaha Mio Aerox motorcycle ay residente ng Bacnotan, La Union samantalang ang 35-anyos na driver ng Ford Ranger Pick-up na isang IT engineer ay residente naman ng Kaligayahan, Quezon City.
Bumibiyahe papuntang timog ang motorsiklo habang nasa opposite lane naman ang Ford Ranger Pick-up.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, tinangka ng Ford Ranger Pick-up na mag-overtake sa sinusundan nitong sasakyan ngunit nakasalubong nito ang motorsiklo.
Nagtamo ng severe injuries ang driver ng motorsiklo na agad na isinugod sa ITRMC sa City of San Fernando, La Union.
Gayunman, ang driver ng motorsiklo ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor.
Hindi naman nasaktan sa naturang insidente ang driver ng Ford Ranger Pick-up at ang mga kasama nitong nakasakay sa naturang sasakyan. Rolando S. Gamoso