ILOCOS SUR- Tigok ang isang 49-anyos na lalaki matapos na masagasaan ng trailer truck sa national highway sa Brgy. Bannuar, San Juan ng lalawigang ito kagabi, Enero 27.
Ayon sa mga otoridad, ang driver ng SYM motorcycle ay residente ng Brgy. Cacandongan, San Juan, Ilocos Sur samantalang ang 42-anyos na driver naman ng trailer truck ay residente ng Bacarra, Ilocos Norte.
Sa imbestigasyon, ang dalawang sasakyan ay parehong patungong timog na direksyon.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, tinangka ng motorsiklo na mag-overtake sa trailer truck gamit ang kanang bahagi ng kalsada.
Gayunman, ang driver ng motorsiklo ay nawalan ng kontrol sa manibela ng sasakyan hanggang sa sumalpok sa kalsada ang kanyang sasakyan.
Aksidente namang nasagasaan ng trailer truck ang motorsiklo kasama ang driver.
Dahil dito, nagtamo ng head injuries ang driver ng motorsiklo na agad na isinugod sa Ilocos Sur District Hospital sa Magsingal, Ilocos Sur ng mga rumespondeng MDRRMO personnel.
Ang driver ng motorsiklo ay hindi na nagawang maisalba pa ng umatending doktor.
Hinihinalang nasa impluwensya ng alak ang driver ng motorsiklo nang mangyari ang aksidente. Rolando S. Gamoso