MANILA, Philippines – Sinuportahan ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang panawagan ng mga magbababoy na itaas ang farmgate price ng baboy at higpitan ang kontrol sa importasyon.
Sa pahayag, sinabi ni, Pangilinan, chairman ng Senate committee on agriculture and food security, dapat tiyakin din ng gobyerno na makatarungan ang kinikita ng mga lokal na producer habang nananatiling abot-kaya ang presyo ng baboy para sa Pilipino.
Kamakailan, nanawagan ang grupo ng mga lokal na magbababoy kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa Department of Agriculture o DA na itaas sa P210 kada kilo ang farmgate price ng liveweight hog at taasan ang taripa sa imported na baboy.
Bilang chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, sinabi ni Pangilinan na dapat sapat ang farmgate price para matakpan ang production cost at mabigyan ng patas na kita ang mga magbababoy.
“Suportado natin nang 100% ang panawagan ng ating mga magbababoy na itaas ang farmgate price. Hindi makatarungan na napakataas ng nagagastos nila para makapag-alaga ng baboy pero napakababa naman ang benta nito,” sabi ni Pangilinan.
Idinagdag niya na kailangang tiyakin ng gobyerno na kikita nang sapat ang mga lokal na magbababoy para mapanatili ang kanilang operasyon.
“Kung lugi ang magbababoy, titigil sila. Kapag nagsara ang mga piggery at lumiit ang lokal na produksyon, lalo pang tataas ang importation at lalo pang magmamahal ang mga pork products. Kaya ang laban para sa makatarungang farmgate price ay laban din para sa food security.”
Ayon sa mga ulat, bumagsak sa P120 hanggang P160 kada kilo ang farmgate price ng liveweight hog sa ilang lugar. Sinabi ni Pangilinan na hindi sapat ang presyong ito para sa production cost at maaaring magsara o magpaliit ng operasyon ang ilang magbababoy.
Sinabi rin ng senador na panahon na para repasuhin ang polisiya sa taripa at importasyon ng baboy. “Nakatulong ang importasyon noong kapos ang supply dahil sa ASF o African Swine Flu. Pero ngayong unti-unti nang bumabangon ang lokal na industriya, dapat tiyakin na ang dami at presyo ng imported pork ay hindi sumisira sa kabuhayan ng ating mga lokal na magbababoy,” giit niya.
Pabor din siya sa mas mahigpit na pamamahala sa pag-import ng baboy. “Ang dapat nating hanapin ay balanse: presyong makatarungan para sa magbababoy at presyong abot-kaya naman para sa mamimili. Hindi kailangang pagpilian ang producer at consumer. Kung tama ang polisiya sa produksyon, importasyon, at bentahan, parehong puwedeng protektahan.”
Pero binigyang-diin niya na hindi dapat gamiting dahilan ang pamamahala sa importasyon para manatiling mataas ang presyo sa retail.
“Ang gusto natin, makatarungan para sa producer at abot-kaya para sa consumer. Kapag bumababa ang presyo sa farmgate pero hindi naman bumababa ang presyo sa palengke, may problema sa supply chain na kailangang tingnan. Hindi dapat ang hog raisers ang laging sumasalo ng mababang presyo habang ang consumer naman ay patuloy na nagbabayad nang mahal.”
Nanawagan din si Pangilinan na patuloy na palakasin ng gobyerno ang suporta sa lokal na produksyon ng baboy, kabilang ang biosecurity measures, pagpigil at kontrol sa ASF, murang feeds, financing, at access sa stable na merkado.
“Ang gusto natin ay isang industriya ng baboy na kayang mabuhay ang producer at kayang bumili ang consumer. Pareho namang Pilipino ang magbababoy at ang mamimili kaya dapat maprotektahan ng gobyerno ang pareho nilang interes, pangangailangan, at karapatan,” sabi ng senador. Ernie Reyes