MANILA, Philippines- Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang indibidwal na umano’y bumaril at nakapatay sa isang municipal administrator sa San Isidro, Leyte noong Mayo 2019.
Sinabi ng NBI na naaresto ang lalaki na wanted sa pagpatay kay Municipal Administrator Levi Mabini sa Barangay Capinahan, San Isidro noong Mayo 8, 2019.
Sa ulat, si Mabini ay kararating lamang sa bahay ng dating alkalde na si Susan Ang nang mangyari ang pamamaril habang sakay ng motorsiklo. Tatlong iba pa ang sugatan sa pag-atake.
Nangyari ang insidente halos isang linggo bago ang 2019 general elections kung saan natalo ng isang boto lamang si Ang.
Sinabi ng NBI na ang kaso ay inilipat sa Quezon City Regional Trial Court Branch 5 kalaunan na nag-isyu ng arrest warrant laban sa umano’y mga salarin.
Kasunod nito, nagsagawa ang NBI-Eastern Visayas Regional Office (EVRO) ng manhunt operation at natukoy ang kinaroroonan ng suspek at naaresto sa Barangay Linao, San Isidro makalipas ang ilang taong pagtatago. Jocelyn Tabangcura-Domenden