NORTH KOREA – Pinanood ni North Korean leader Kim Jong Un ang performance test ng mga drone na ginawa mismo ng naturang bansa.
Nitong Sabado, Agosto 24, personal na binisita ni Kim ang Drone Institute of North Korea – Academy of Defense Sciences, at pinagmasdan ang matagumpay na testing ng kanilang mga drone na kayang tumukoy at manira ng mga target matapos na lumipad sa iba’t ibang preset routes.
Inilabas ng KCNA ang larawan kung saan pinapasabog ng mga drone ang mga target.
Hiniling ni Kim na gumawa pa ng mas maraming suicide drones na gagamitin sa tactical infantry at special operations unit, katulad ng underwater suicide attack drones, maging ang strategic reconnaissance at multi-purpose attack drones.
Nanawagan din si Kim ng mas marami pang testing ng combat application ng mga drone.
Matatandaan na pinalakas pa lalo ng Pyongyang ang kanilang tactical warfare capabilities kasama ang short-range missiles at heavy artillery. RNT/JGC