Urdaneta, Pangasinan – Mariing kinondena ng pambansang samahan ng kababaihan na GABRIELA ang umano’y mapang-abusong “kissing auction” na isinagawa sa isang campaign rally sa Urdaneta, Pangasinan, kung saan ang isang matandang babae ay iniharap sa entablado at pinapili ng mga opisyal kapalit ng halik at ilang libong piso.
Ayon kay GABRIELA Secretary-General Clarice Palce, ang insidente ay isang malinaw na halimbawa ng pananamantala sa kababaihan at hindi kailanman maituturing na makataong tulong.
“Hindi ito pagpapakita ng kabutihang-loob kundi isang uri ng pambabastos. Isinapubliko ang paglalagay sa isang lola sa isang kahihiyang sitwasyon, para lang sa aliw ng pulitiko at ng mga manonood,” ani Palce.
Sa naturang kaganapan, inilahad ni Palce na pinasimulan ang “bidding” sa halagang P1,000 at umabot sa P5,000, kung saan tila ginawang premyo ang matandang babae. Pinuna ng GABRIELA na hindi kailanman kailangang isantabi ang dangal ng isang tao upang makatanggap ng tulong, at dapat ay walang kapalit ang tunay na malasakit.
“Ang tunay na pagtulong ay hindi nangangailangan ng kapalit na kahihiyan,” giit pa ni Palce. “Ito ay pagsasamantala, hindi pagkakawanggawa.”
Dagdag ng grupo, hindi ito ang unang beses na ginamit ang kababaihan bilang tampok sa katawa-tawang o sekswal na biro ng mga kandidato. Binigyang-diin ng GABRIELA ang pagkakapareho nito sa kamakailang isyung may kaugnayan sa isang kandidato sa Pasig City na gumawa ng biro tungkol sa single moms.
“Hindi ito mga iisang insidente lang – ito ay repleksyon ng isang kultura na patuloy na bumabastos at nagpapaliit sa kababaihan,” ayon kay Palce. “Dapat nating tutulan at panagutin ang mga ganitong kilos, sa panahon ng kampanya man o hindi.”
Hinikayat ng GABRIELA ang Commission on Elections (COMELEC) na imbestigahan ang insidente at magsagawa ng kaukulang aksyon laban sa mga opisyal na sangkot.
“Ang mga taong nasa posisyon ng kapangyarihan ay may tungkuling igalang at itaguyod ang dignidad ng bawat babae. Hindi dapat pinapayagan ang ganitong anyo ng pambabastos sa publiko,” dagdag ni Palce.
Sa huli, panawagan din ng GABRIELA na mas paigtingin ang representasyon ng kababaihan sa pulitika at pamahalaan, upang masiguro na may tinig ang kababaihan laban sa ganitong mga uri ng abuso.
“Hinihimok namin ang taumbayan na pumili ng mga kandidatong may tunay na respeto sa kababaihan at may paninindigan sa pagtatanggol ng aming mga karapatan,” pagtatapos ni Palce. RNT