Home NATIONWIDE PH delegation nakipagpulong sa kinatawan ng US trade sa gitna ng Trump...

PH delegation nakipagpulong sa kinatawan ng US trade sa gitna ng Trump tariffs

MANILA, Philippines- Nakipagpulong at nagkaroon ng isang produktibo at positibong pakikipag-usap ang mga high-level economic delegation mula sa Pilipinas kay United States Trade Representative Jamieson Greer sa Washington DC nito lamang May 2.

Ang pagpupulong ay matapos na hangarin ng gobyerno ng Pilipinas na talakayin na itigil sandali ang 17% na reciprocal tariff na ipinataw sa Pilipinas ni US President Donald Trump.

“Both countries agreed to undertake concrete steps in recognition of the complementary nature of our economies and the strategic value of our alliance,” ang sinabi ng Philippine Embassy.

Tumanggi naman si Philippine Ambassador to US Jose Manuel Romualdez na pag-usapan ang mga detalye ng nasabing pag-uusap subalit sinabi nito na umaasa ang Maynila na maisasara ang kasunduan na kapaki-pakinabang sa dalawang bansa.

At sa tanong kung magkakaroon pa ng second round ng pag-uusap, sinabi ni Romualdez na: “We will wait for the next steps to be taken.”

Samantala, ang Philippine delegation ay pinangunahan ni Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go, Trade Secretary Cristina Aldeguer-Roque, at Romualdez.

Kapwa nagpahayag ng kumpiyansa ang magkabilang panig hinggil sa hinaharap na Philippine-US trade at investment relations, lalo na sa konteksto ng “economic security and fair, balanced, and reciprocal trade.”

Kapwa naman tanggap ng magkabilang panig ang “positive outcome of the discussions” at binigyang-diin ang kahalagahan ng isang “economically and strategically strong partnership” sa pagitan ng dalawang bansa.

Bago pa ang pagpupulong, sinabi ni Roque na layon ng Maynila na ibaba ang tariff rate sa Philippine goods sa “zero tariff.”

Samantala, inanunsyo ni Trump ang 90-day pause sa mas mataas na reciprocal tariffs na ipinataw ng Estados Unidos sa karamihan ng bansa sa darating na April 9 subalit nananatili naman ang “blanket 10% duty” sa lahat ng trading partners nito. Kris Jose