
MAYNILA, Pilipinas — Pinagtanggol ni Veronica “Kitty” Duterte ang kanyang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte, matapos itong arestuhin nitong Martes.
“Illegal detention. No warrant of arrest,” saad ni Kitty sa kanyang Instagram stories matapos nilang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, galing sa isang thanksgiving event sa Hong Kong.
Bukod dito, sinabi rin ni Kitty sa kanyang IG na pinipigilan umano ng awtoridad na mabigyan ng proper healthcare na kinakailangan ng kanyang ama.
“They are keeping him confined here and not allowing us to bring him to the hospital. He is getting weaker by the minute,” aniya pa.
Nauna nang nagbahagi si Kitty ng mga video kung saan sumasagot si Duterte sa tanong ng mga mamamahayag.
“Ipakita ninyo sa akin ngayon ang legal na basehan kung bakit narito ako [sa Maynila],” sabi ng dating pangulo, iginiit na nasa “ibang hurisdiksyon” ang kanyang kaso.
“Dapat kayong sumagot ngayon sa paglabag sa aking kalayaan,” dagdag pa niya. RNT