Home NATIONWIDE ‘KKK’ gawin gabay vs isyu ng bayan – Cayetano

‘KKK’ gawin gabay vs isyu ng bayan – Cayetano

6
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga Pilipino na piliin ang “Katotohanan, Konstitusyon, at Paglaban sa Korapsyon” o KKK bilang gabay sa pagharap sa mga kasalukuyang isyu ng bansa.

Kasabay nito, nagbabala siya laban sa aniya’y umiiral na kalakaran ng “kuyog, kaso, kulong” sa politika.

Sa kanyang online broadcast nitong July 18, sinabi ni Cayetano na dapat pairalin ang KKK sa pagtalakay sa mahahalagang usapin tulad ng impeachment proceedings, flood control scandal, at pakikitungo ng Pilipinas sa ibang bansa.

Una, sinabi ng senador na kailangang manaig ang katotohanan.

“Ano y’ung KKK natin? Unang-una po, Katotohanan. We have to fight for the truth,” wika niya.

Ikalawa, iginiit ni Cayetano na dapat igalang at ipagtanggol ang Konstitusyon.

Aniya, humihina ang mga institusyon kapag binabaluktot ang batas para sa pansariling interes sa politika.

“Ang ating pong rules ay y’ung Konstitusyon. Walang society ang uunlad ng walang rules. Dapat fair at may justice y’ung rules na y’an. Pero ang rule ngayon ay ‘bend the law,’ ‘bend the Constitution,’” sabi ni Cayetano.

“When we bend the law, especially when we bend the Constitution, we weaken our institutions [and] it promotes corruption,” dagdag niya.

Ikatlo, nanawagan si Cayetano ng mas matinding paglaban sa korapsyon. Inihambing niya ang kanyang KKK laban sa ipinaiiral na sistema ng gobyerno ngayon na “kuyog, kaso, kulong.”

“Ano ba [ang] sistema ng gobyerno ngayon? Una, kuyog. Basta’t mag-ingay ka, kukuyugin ka muna. Kung hindi ka makuha sa kuyog, kakasuhan ka na. Ang pangatlo nila ay ikukulong ka. So, kuyog, kaso, kulong,” sabi niya.

Pinabulaanan din ni Cayetano ang mga nagsasabing walang pananakot sa mga kritiko ng pamahalaan.

“Doon sa nagsasabing hindi sila nag-iintimidate… you think the Filipino people are stupid? That’s your opinion. Matalino po ang Pilipino,” aniya.

Hinikayat ng senador ang publiko na huwag mabaling ang atensyon at sa halip ay patuloy na ipaglaban ang katotohanan at ang Konstitusyon at ipagpatuloy ang laban sa korapsyon.

“Once na nariyan na y’ung attack dogs, let’s not be distracted. We have two choices: Kuyog, Kaso, Kulong or ipaglaban natin na lumabas ang Katotohanan, ipaglaban natin ang spirit ng Konstitusyon, at tanggaling ang Korapsyon,” wika ni Cayetano.

“Pray, be active, discuss, kumilos po tayo… maganda plano ni Lord, sana y’un ang piliin natin,” dagdag niya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here