ILOILO CITY, Philippines — Sinuspinde ang face-to-face classes sa Iloilo Doctors’ College (IDC) matapos makatanggap ng bomb threat, bago tuluyang ideklarang ligtas ang campus nitong Miyerkules, Pebrero 18.
Ayon kay Police Lt. Felipe Flores Jr., team leader ng City Explosive K9 Unit, wala silang natagpuang anumang pampasabog matapos ang masusing inspeksyon sa mga gusali ng paaralan.
Umabot ng halos dalawang oras ang sweeping operations ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) K9 Unit ng Iloilo City Police, ngunit walang bombang nakita o anumang materyales na banta sa kaligtasan ng publiko.
Nag-ugat ang alarma sa isang audio message at chat na naglalaman ng banta ng pagsabog.
Dahil dito, agad na ipinagbawal ang pagpasok ng mga estudyante at inilipat muna sa online o alternatibong paraan ang mga klase sa lahat ng antas.
Patuloy ang koordinasyon ng pulisya at pamunuan ng paaralan upang matukoy ang nagpadala ng banta. Hindi rin inaalis ng mga awtoridad ang posibilidad na may estudyanteng sangkot.
Habang kasalukuyang may pagsusulit ngayong linggo, may ilang mag-aaral ang nag-isip na maaaring false alarm lamang ang insidente.
Gayunman, hinimok ng pulisya ang publiko na maging responsable at agad iulat ang anumang kahalintulad na banta.
Sa kabila ng clearance, pinapasok pa rin sa trabaho ang mga empleyado ng IDC bandang alas-1 ng hapon, maliban sa security, maintenance, at buildings and grounds personnel na nanatili sa duty.
Pinayuhan naman ng administrasyon ang komunidad ng paaralan na bantayan ang kanilang opisyal na anunsyo para sa mga susunod na update. RNT/JGC